Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pang aprubadong self-administered o home test kits para sa COVID-19 sa Pilipinas.
Pahayag ito ni FDA Director General Eric Domingo kasunod ng napaulat na pag-apruba ng Estados Unidos at Singapore sa paggamit ng self-administered antigen test kits sa kanilang mga bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Domingo na sumulat na ang FDA sa Department of Health (DOH) upang hingin ang kanilang opinyon o rekomendasyon hinggil dito.
Aniya, tinanong ng FDA sa DOH kung kakailangan ba ang paggamit ng mga nabanggit na test kits laban sa COVID-19, lalo’t RT-PCR test kits ang mas ginagamit ngayon sa bansa.
Paliwanag nito, naka-depende sa DOH ang desisyon at hinihintay na lamang nila kung aaprubahan ang self-administered o home test kits sa bansa.