FDA, nagbabala laban sa paggamit ng DIY hand sanitizers

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa “Do It Yourself Handsanitizers at Disinfectants.

Kasunod ito ng mga ulat mula sa mga consumers at stakeholder hinggil sa instructional videos sa online at social media kung paano gumawa ng disinfectant products gamit ang pinaghalong rum (an alcoholic drink), bleaching agent at hand sanitizers.

Ayon sa FDA, ang bleaching agents ay mga produkto na naglalaman ng chlorine compound para sa pagpapaputi ng damit at pang-disinfect ng mga bagay at mga surface o ibabaw.


Ang paghahalo ng bleach na may rum (na may ethyl alcohol content) ay makagagawa ng isang mas delikado at mapanganib na kemikal na nagdudulot ng peligro sa kalusugan ng isang tao sa sandaling ma-ingest, ma-inhale, o ma-absorb ng balat.

Iginiit din ng FDA na ang mga hazardous at flammable materials tulad ng alcohol at bleaching agents ay ginagawa lamang ng mga licensed FDA manufacturer, sa pasilidad na may sapat na bentilasyon, fire alarm at prevention system, na may lisensyado at trained personnel para sa paghawak ng mga kemikal, na may naaangkop na personal protective equipment (PPE).

Nilinaw din ng FDA na ang palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at running water bilang bahagi ng personal hygiene practices ay isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria o virus.

Ang mga hand sanitizer at rubbing alcohol ay maaari lamang anilang magamit bilang mga alternatibo kapag walang washing facilities.

Facebook Comments