FDA, nagpaalala na wala pang rapid test kit sa COVID-19; 100,000 test kit mula China, hahatiin sa RITM at sa mga sub-national laboratories sa bansa

Nagpaalala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko hinggil sa mga umano’y rapid test kit para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa FDA, wala pang point-of-care test kit o rapid test kit para sa virus na aprubado ng ahensya.

Ang mga rapid test kit ay nagbibigay ng agarang resulta sa loob lamang ng ilang minuto.


Dagdag pa ng FDA, ang mga naunang listahan ng COVID-19 test kits na aprubado nila ay gumagamit ng real time polymerase chain reaction (real-time PCR).

Nangangahulugan ito na kinakailangan pa ng PCR machine sa laboratoryo at mga tauhan na may sapat na kaalaman hinggil sa proseso ng paggamit nito.

Tiniyak naman ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, hahatiin ang 100,000 na test kits na mula China sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at sa mga sub-national laboratories sa bansa na humahawak ng testing para sa COVID-19.

Matatandaaang nitong Sabado nang dumating ang 100,000 test kits na donated ng China sa Pilipinas.

Gayundin ang 100,000 surgical masks, 10,000 N95 masks at 10,000 sets ng personal protective equipment (PPE).

Facebook Comments