Nagpaliwanag ang Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa inilabas na abiso nito laban sa pagkunsumo sa ilang produkto kabilang na ang isang kilalang palaman at sangkap sa pagluluto.
Batay sa FDA Advisory 2020-1618, napag-alaman sa post-marketing surveillance na hindi rehistrado at walang Certificates of Product Registration (CPR) ang Reno Liver Spread, DESA Spanish Style Bangus in Corn Oil, Samantha’s Dips and Sauce Spanish Sardines Paste Sauce, Miracle White Advance Whitening Capsule Food Supplement at Turcumin 100 percent Natural and Standardized Turmeric Curcumin.
Sa interview ng RMN Manila kay FDA Center for Food Dir. Marilyn Pagayunan, binigyan diin nito na hindi sumailalim sa evaluation process ang mga naturang produkto dahilan upang hindi matitiyak ang kaligtasan at kalidad nito.
Kasabay nito, binalaan ng ahensya ang mga establisimiyentong magbebenta ng mga nabanggit na produkto na papatawan sila ng regulatory actions at sanctions.