Nanindigan ang pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) na libre at dekalidad ang mga bakuna laban sa COVID-19 sa bansa sa gitna na rin ng usapin sa bentahan ng slot para sa pagbabakuna at patuloy na panghihikayat sa sambayanang Pilipino na magpabakuna na sa lalong madaling panahon.
Ayon kay FDA Deputy Director General Oscar Gutierrez Jr., dumaan sa masusing pag-aaral ang bawat bakuna bago sila pinayagan na magamit sa bansa kung saan sa pito na bakuna na nabigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA), apat ang ginagamit na ngayon kabilang ang gawa ng Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, at Pfizer.
Paliwanag ni Gutierrez, milyong mga Pilipino na aniya ang ligtas na nabigyan ng mga bakuna na ito sa ilalim ng programa sa pagbabakuna ng gobyerno.
Giit ng opisyal, tatlo naman ang may EUA na pero hinihintay pa ang pagdating ng suplay kabilang ang gawa ng Moderna, Johnson & Johnson, at ang Covaxin.