Sinisisi ng Food and Drug Administration (FDA) ang kakulangan ng pondo mula sa pamahalaan kaya sila tumanggap ng funding mula sa private institution.
Sa pagdinig kanina ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nagisa ang FDA ng mga kongresista kaugnay sa kwestyunableng pagtanggap nito noong 2016 ng grant mula sa The International Union Against Tuberculosis and Lung Diseases o The Union kapalit ng pagbibigay ng specific at pre-defined policies laban sa isang legitimate industry.
Ang The Union ang katuwang sa pamamahala sa Bloomberg Initiative na may adbokasiya laban sa lahat ng uri ng tobacco products, kasama rito ang e-cigarettes at heated tobacco products.
Natanong ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta kung hindi ba masaya ang FDA sa pondong inilalaan ng gobyerno.
Depensa naman ni Ana Rivera ng FDA na noong 2016, aabot lamang sa P4 million ang alokasyon para sa operational expenses at hindi kasama rito ang gastos para sa research at hiring ng mga dagdag na tauhan.
Dahil wala aniya silang extra na pondo kaya nagdesisyon ang FDA na mag-apply ng grant.
Umapela ang FDA sa Kongreso na lakihan ang pondo ng ahensya lalo’t nais din nilang i-modernize ang kanilang laboratory capability.
Pero iginiit ni Marcoleta na wala sa posisyon ang FDA at ibang ahensya ng pamahalaan na tumanggap ng pondo mula sa private institution lalo kung may isyu ng “impropriety” at “irregularity” sa pagtanggap ng private funds dahil ito ay makakaapekto sa polisiya ng bansa partikular sa industriya ng tabako.