Inaako raw ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang panukala ni Senator Bong Go na gawing dalawang beses sa isang taon ang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito ang pahiwatig sa Facebook post ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, kung saan pinasaringan niyang “credit grabber” at “epal” si FDCP chairperson Liza Diño-Seguerra.
Aniya sa post, “Hi Madam Liza Diño-Seguerra, I think this is too much, we all know how you always pre empt the activities of MMDA-MMFF, whats worse you now want to make it appear that Sen Go’s suggestion of holding MMFF twice a year is part of your FDCP’s film policy. Can we give credit to whom it is due? #notocreditgrabber #notosobrangepal”
Kaakibat ang screenshot ng post ni Diño-Seguerra tungkol sa “full support” umano ni Go sa “film policy initiatives” ng FDCP.
Ang MMFF ay nasa ilalim ng pamamahala ng MMDA/MMFF Execom na walang ibang maaaring kumatawan maliban sa Chairperson nitong si Danilo Lim.
Nilinaw ng MMDA na ang FDCP ay isa lamang sa maraming kinatawang nagbabantay sa mandato ng MMFF at kung magkakaroon man ng pangalawang MMFF, pamamahalaan ito ng MMFF Execom sa pamumuno ng MMDA Chair.
Nito lamang Hulyo 10 nang ipakilala bilang bagong miyembro ng MMFF 2019 Execom si Go at Congressman Dan Fernandez.
Matapos ianunsyo ang napiling apat na MMFF 2019 entries, ipinahayag ng senador ang napag-usapan umano nila ng congressman na paggawa ng legislative bill na makatutulong sa pelikulang Pilipino.
Samantala, nauna naman nang nagpahayag ng suporta sa suhestiyon ng senador si Diño-Seguerra sa isinagawang presscon ng FDCP noong Hulyo 11.