Kamakailan lamang ay bumisita si Vice Governor Bojie Dy kasama sina Vice Mayor Leoncio Bong Dalin, Councilor Egay Atienza at Engr Edward Lorenzo ng City Engineering Office sa mga drainage canal dito sa Lungsod pangunahin na sa mga nakapalibot sa Primark Palengke matapos na makaranas ng pagbaha sa loob ng pribadong pamilihan.
Sa kanilang pagbisita ay may mga nakitang dahilan kung bakit laging binabaha ang mga gilid ng kalsada at maging ng loob ng pribadong pamilihan sa tuwing nakakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Sa panayam ng 98.5 Cauayan kay Engr. Edward Lorenzo ng City Engineering Office, ginagawan na aniya nila ng paraan ang mga nakitang dahilan ng mabilisang pag-apaw ng tubig sa mga gilid ng daan at sa mga drainage canal kung saan meron na aniya silang mga nakahandang solusyon na irerekomenda sa LGU.
Isa na aniya rito ang pagsasagawa ng Feasibility Study sa mga Drainage Canal para makita at matansya kung gaano kalaki ang dapat na gawin sa magiging daluyan ng tubig o drainage kanal sa Lungsod.
Ilan kasi aniya sa kanilang mga nakitang dahilan ng pagbaha sa pribadong pamilihan ay dahil sa mga nakabarang basura kung kaya’y hindi makadaloy ng maayos ang tubig at dahil na rin sa maliit na size ng mga drainage kanal.
Para naman sa agarang tugon ng City Engineering Office at ng LGU Cauayan ay palalakihin na ang pasukan ng mga main drainage canal na pagtutulungan ng provincial government ng Isabela at ng LGU Cauayan.
Hinihintay na lamang ang go signal ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP para sa pagpasok ng mga equipment ng probinsya na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga drainage canal para sa mas malaki at maluwang na daluyan ng tubig sa Lungsod.
Pakiusap naman sa mga vendors na gamitin ng tama ang kanal at huwag tapunan ng mga basura para hindi bumara na nagiging dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig sa tuwing umuulan.