Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na maging sa hanay ng mga gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kailangan ding ituro ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng Federal form of Government.
Ito ay sa harap narin ng balita na nagdadalawang isip ang economic Managers ni Pangulong Duterte sa Federalismo dahil sa mga negatibong epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Nabatid na sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na sa oras na maipatupad ang Federalismo ay babagsak ang credit ratings ng Pilipinas na nagbibigay daan sa bansa na makakuha ng mababang interests sa mga hinihiram na pera.
Sinabi din ni Socioeconomic Secretary Ernesto Pernia na magugulo ang growth momentum ng Pilipinas sa oras na maipatupad ang bagong porma ng Gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dahil sa mga pahayag ng ilang gabinete ng Pangulo ay kailangan ding magsagwa ng information dissemination sa gabinete patungkol sa Federalismo.
Sinabi ni Roque na iginagalang nila ang pahayg ng ilang gabinete patungkol sa issue pero gusto din nilang makita ang alternatibo ng mga ito.
Tiniyak din naman ni Roque na dahil nasa kamara na ang panukala para sa charter change ay pagaaralan naman itong mabuti ng mga mambabatas at sisilipin ang mga concerns ng economic managers ng Pangulo.