Manila, Philippines – Itinakda sa Hunyo 17 ng Department of Interior and Local Government ang Federalism roadshow o pambansang talakayan tungkol sa pagbabago ng konstitusyon.
Sa Dumaguete City unang isasagawa ang unang serye ng mga talakayan sa Pederalismo.
Kasunod nito ang simultaneous rallies at trainings na itinakda naman sa Butuan at Legazpi sa Hunyo 21-23, at Hunyo 25-27 sa Baguio at Tacloban .
Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, isa sa mga highlight ng roadshow ay ang regional consultation na pangungunahan ng Consultative Committee kung saan ipapakita nito ang initial draft ng federalism at mangalap pa ng mga inputs mula sa mga rehiyon.
Bahagi din ng roadshow ang pagsasanay para sa accredited civil society organizations, national at local government partners, members ng regional project management team, at kinatawan ng local government units.
Bukod sa inisyal na limang areas, plano din ng DILG na magpatupad ng pambansang talakayan sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa para kumuha ng suporta para sa Pederalismo
Target ng Con-Com na isumite ang draft federalism model kay pangulong Rodrigo Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address sa Hulyo 23.