Federation of Free Workers, ikinatuwa ang pagbasura ng AFP sa isinusulong na RevGov

Lubos na ikinagalak ng grupong Federation of Free Workers (FFW) ang naging pahayag ng Armed Forces of the Philippines na hindi nila sinusuportahan ang isinusulong na Revolutionary Government (RevGov).

Pinupuri rin ng grupo ang paninindigan ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay kung saan positibo ang kanilang pananaw na may kakampi na sila sa katauhan ng mga sundalo at pinanghahawakan na nila na mayroon nang tagapagtanggol ang sambayanang Pilipino at ng ating konstitusyon.

Matatandaan na kamakailan ibinasura ng grupong Nagkaisa Labor Coalition ang panawagan na RevGov dahil mariin nilang tinututulan ang anumang diktatorya o authoritarian na pamamalakad ng pamahalaan.


Ayon kay FFW President at Nagkaisa Chairman Atty. Sonny Matula, kung magdedeklara ng RevGov si Pangulong Rodrigo Duterte ikinukonsidera niya umano ang kaniyang sarili na resigned at inabandona nito ang kaniyang posisyon bilang pangulo ng bansa sa ilalim ng 1987 Constitution at hindi na siya kikilalanin bilang Pangulo ng Pilipinas.

Facebook Comments