Taos puso ang pakikiramay ng pamunuan ng Philippine Army sa naulilang pamilya ni 2nd Lieutenant Stephanie Rebellon na natagpuang may gunshot wound sa kaniyang ulo, Linggo ng umaga sa comfort room ng kanyang quarter.
Ayon kay Army Spokesman Col. Xerxes Trinidad, ang 25 taong gulang na female officer na si 2nd Lt. Rebellon ay naka-assign sa headquarters ng Civil Military Operations Regiment (CMOR), Philippine Army sa Taguig.
Si Rebellon ay sumasailalim sa orientation para sa kaniyang magiging ranggo sa CMOR’s Civil and Public Affairs Center.
Bahagi rin ito ng Philippine Military Academy “Bagsik Diwa” Class of 2022.
Sinabi ni Col. Trinidad, agad dinala si 2nd Lt. Rebellon sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio pero idineklarang dead on arrival.
Sa ngayon, ani Trinidad ay nagbigay na ng direktiba ang pamunuan ng Philippine Army para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Pinasisilip din sa CMOR ang lahat ng posibleng motibo sa pagpapatiwakal ng opisyal.
Mayroon na rin aniyang close coordination at cooperation ang Philippine Army sa Philippine National Police.
(NCMH Crisis Hotline 1553, 0917 899 8727(USAP), and/or 7-989-8727 (USAP) National Center for Mental Health Crisis Hotline)