Ferry mission sa Dinagat Islands, ikinasa ng PCG para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette

Nagsagawa ng “ferry mission” ang BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard o PCG para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Dinagat Islands.

Ayon kay Commodore Armand Balilo, ang spokesman ng PCG, aabot sa 250 na indibidwal kabilang ang mga bata ang kanilang naisakay sa nabanggit na barko mula sa San Jose Port, Dinagat Islands papuntang Port of Surigao City.

Sinabi ni Balilo na katuwang ng PCG dito ang Police Regional Office 13, na layong mabigyang-tulong ang mga apektado ng bagyo na ang karamihan sa kanila ay hirap na hirap ang kalagayan at nagugutom.


Naisakay rin sa naturang barko ang 22 motorsiklo at isang bisikleta na pagmamay-ari ng mga natulungang indibidwal.

Dagdag pa ni Balilo, ang ferry mission sa Dinagat Islands ay parte ng malawakang operasyon ng PCG kung saan alinsunod ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang lahat ng assets at resources ng gobyerno para makatulong sa agarang pagbangon ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.

Bukod dito, sinabi ni Balilo na ang BRP Gabriela Silang ay patuloy na lumalayag upang magdala ng relief supplies, at magsakay din ng mga stranded na pasahero.

Facebook Comments