Pinasisilip ng Makabayan Bloc sa Kamara ang pinasok na ‘supply contract’ ng Department of Agriculture (DA) para sa procurement ng pataba sa ilalim ng Rice Resiliency Program (RRP).
Sa House Resolution 992, inaatasan ang House Committees on Agriculture and Food at Good Government and Public Accountability na magsagawa ng “joint investigation” sa napaulat na ‘fertilizer scam’ sa pagitan ng DA at mga nanalong bidders.
Sinasabing ‘overpriced’ umano ng P271.66 million ang P1.8 billion fertilizer contract ng DA mula sa mga winning bidders na La Filipina Uy Gongco Corporation at Atlas Fertilizer.
Batay kasi sa mga magsasaka sa Tarlac at Nueva Ecija, ang average price ng isang sako ng fertilizer ay P850 lamang, habang sa ibang lalawigan ay mabibili pa ito sa P810 hanggang P830 kada bag pero ang presyo na kinuha ng DA ay nasa P990 hanggang P1,000 kada sako ng pataba.
Nauna namang itinanggi ni Agriculture Secretary William Dar ang “fertilizer scam” sa ahensya at nilinaw na kasama na sa P1,000 na presyo ng kada bag ng pataba ang transport at iba pang bayarin.
Pinasisiyasat din ng mga kongresista sa Makabayan ang napabalitang kawalan ng stocks ng fertilizer ng bidder na La Filipina pero ito pa rin ang nakakuha ng kontrata.