Mariing pinasinungalingan ng Far Eastern University Student at Anakbayan member na si Alicia Lucena ang pahayag ng kanyang mga magulang na kinidnap ito para sumali sa makakaliwang grupo.
Humarap ang estudyante sa Kamara kasama ang mga kongresista ng Makabayan Bloc at iginiit na kusang loob ang kanyang pagsama sa makakaliwang grupo.
Iginiit ng estudyanteng aktibista na walang pumilit sa kanya na sumama sa Anakbayan at sumanib siya sa grupo dahil nakita niya ang pangangailangan na kumilos ang kabataan laban sa mga hindi makatwirang polisiya ng gobyerno.
Sinuportahan naman ng Makabayan ang pahayag ni Lucena at iginiit na ang ginawang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng nawawalang mga kabataan ay maituturing na “witch hunt” para lumutang at matukoy ang mga sumasali sa mga progresibong grupo.
Bago ito, pinabulaanan na ng estudyante sa pamamagitan ng Facebook post na siya ay nawawala at nilinaw na nilayasan niya ang pamilya matapos umano siyang i-house arrest dahil kontra ang mga ito sa kagustuhan niyang maglingkod sa bayan.