Cauayan City, Isabela – Isinagawa sa Sto Niño, Cagayan ng Landbank of the Philippines ang Financial Inclusion Caravan na may temang “Ipon at Kabuhayan para sa mga Kababayan”
Bahagi ito ng kanilang ginagawang hakbang mula pa noong 2016 upang ibahagi sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga mahihirap na bayan ng bansa ang kahalagahan ng pag-iimpok at tamang pangangasiwa ng pera.
Batay sa datos ng Landbank mula sa kanilang mga napupuntahang lugar, lumalabas na pagkatapos maipaliwanag ang maayos na pangangalaga ng pera ay 70 porsiyento ng kanilang napapaliwanagan ang agad nagbubukas ng kanilang agent banking program.
Sa taong ito hanggang sa Maryo 2020, maliban sa Sto Nino, Cagayan ay kanilang pupuntahan ang Rizal, Palawan; Libacao, Aklan; Aloguinsan, Cebu; Las Nieves, Agusan del Norte; Mayantoc, Tarlac; Claveria, Misamis Oriental at Panukulan, Polilio Islands.
Ayon kay First President at Pinuno ng Corporate Affairs Department ng Land Bank of the Philippines Catherine Rowena Villanueva ay mahigit 20 nang mahihirap na bayan ang napuntahan ng kanilang Financial Inclusion Caravan.
Dahil dito ay nakatanggap na ng parangal ang inisyatibang ito bilang Outstanding Development Project Award ng Association of Development Financing Institutions in Asia and the Pacific at Silver Anvil Award noong 2018.
Ayon naman kay Landbank President at CEO Cecilia Borromeo, mas maraming Financial Inclusion Caravan ang kanilang isasagawa sa mga lugar na mayroong 60% o mahigit pa na naninirahan ay mga magsasaka o mangingisda na siyang bahagi ng kanilang suporta sa sektor ng agrkultura. Sabi pa na makakatulong ang kanilang caravan para mas mapangasiwaan at maimpok ng mga kababayan ang kanilang mga pera.
Kasama ng Landbank sa kanilang Financial Inclusion Caravan ang LGU ng Sto Nino, Cagayan, DSWD, DA at Bangko Sentral ng Pilipinas.