Filipino citizenship ng American basketball player na si Justin Brownlee, aprubado na sa komite ng Senado

Lusot na sa Senate Committee on Justice and Human Rights ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng Filipino citizenship ang American basketball player na si Justin Brownlee.

Sa Senate Bill 1336 na ini-akda nina Senators Sonny Angara at Ronald “Bato” dela Rosa ay pinabibigyan ng Filipino citizenship si Brownlee para ganap na maging kasapi ang ‘6 foot 6’ na basketbolista sa Gilas Pilipinas National Basketball team.

Sa pagdinig ng komite na pinangunahan ni Senator Francis Tolentino, hindi tumutol ang mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Office of the Solicitor General (OSG), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI) dahil wala silang nakita na derogatory record o masamang ulat laban kay Brownlee.


Personal na humarap si Brownlee sa komite at iprinisinta ang kumpletong requirements para sa application ng judicial naturalization.

Si Brownlee ay kasalukuyang naglalaro para sa PBA team na Barangay Ginebra bilang import player at kapag napagtibay sa Senado ang citizenship nito ay magiging kasapi na ito ng Philippine Basketball team na Gilas Pilipinas.

Suportado naman ng mga senador ang naturalization ni Brownlee lalo na’t magiging malaking tulong ito sa pagtaguyod ng Pilipinas sa FIBA World Cup.

Facebook Comments