Filipino civilian boat, hinabol ng dalawang Chinese missile attack vessel sa West PH Sea; DFA, pinaaalis ang mga militia vessels nila sa Julian Felipe Reef

Nagpadala ang Chinese Navy ng dalawang missile attack craft para habulin ang isang barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ang unang beses na gumamit ang China ng military vessels mula nang pumutok ang sigalot sa pinagtatalunang karagatan.

Ang Pinoy civilian vessel ay naglalayag sa iba’t ibang bahura sa lugar malapit sa Palawan kung saan sila nangingisda dahil halos sinakop na ng mga barko ng Tsina ang ilan sa mga dati nilang fishing grounds habang ang iba ay pinagtayuan na ng artificial islands.


Papunta ang Filipino vessel sa Ayungin Shoal kung saan matatagpuan ang isa sa siyam na Philippine military detachments sa lugar, pero agad silang sinundan ng isang barko ng Chinese Coast Guard at niradyuhan sila.

Sinubukan ng kapitan ng Pinoy vessel na umikot at umaasang hindi na sila susundan ng barko ng China, pero patuloy pa rin silang hinahabol hanggang sa makabalik sila sa Palawan.

Hindi pa natatapos dito ang pakikipag-patintero ng Filipino vessel dahil dalawang missile-capable boats ang dumating at humabol sa kanila habang sila ay nasa 90 nautical miles mula sa Palawan.

Nagtagal ng 20 hanggang 30 minuto ang habulan bago bumalik ang mga barko sa Mischief Reef.

Kaugnay nito, pinagsabihan na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang China na paalisin ang maritime militia vessels nito sa Julian Felipe Reef.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na hindi na makatwiran ang pananatili ng mga barko ng China sa lugar.

Aniya, kung nangingisda sila sa lugar ay dapat nakaalis na sila noon pa at tinatapunan lamang nila ng dumi ang lugar.

Para kay Locsin ang hakbang na ito ay bahagi na ng posibleng “pananakop.”

Facebook Comments