Bumisita ang mga miyembro ng Filipino Community sa BRP Antonio Luna sa Guam sa pangunguna ni Philippine Consulate General Patrick John Hilado.
Ang BRP Antonio Luna ay nakadaong sa U2 pier ng Guam, bilang bahagi ng “replenishment stopover” sa kanyang biyahe patungong Hawaii para lumahok sa Rim of the Pacific (RIMPAC) naval exercise.
Ang delegasyon ng Filcom ay sinalubong ng mga tauhan at opisyal ng BRP Antonio Luna sa pangunguna ng kanilang commanding officer na si Captain Charles Merric Villanueva, at nag- tour ng pinaka-modernong barkong pandigma ng Philippine Navy.
Ayon kay Phil. Navy Spokesperson Commander Benjo Negranza, ang pagbisita ay pagkakataon para buhayin ang “national pride” ng mga Pilipino sa abroad sa pagpapakita ng mga bagong kagamitan ng Philippine Navy.
Ang BRP Antonio Luna ay inaasahang darating sa Honululu Hawaii tatlong araw bago ang pagsisimula ng RIMPAC naval exercise mula June 29 hanggang August 4.
Ang RIMPAC ang pinakamalaking naval exercise sa buong mundo na nilalahukan ng 27 bansa, sa pangunguna ng Estados Unidos.