
Inimbitahan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang mga film executive ng India na gawin ang Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon para sa paggawa ng pelikula.
Ayon sa DOT, nakipagpulong na siya sa mga kinatawan mula sa Bollylands at sa National Film Development Corporation of India upang i-promote ang Pilipinas bilang natatanging lokasyon para sa mga pelikulang Bollywood.
Dito, ipinakita niya ang iba’t ibang filming locations sa bansa at ipinaliwanag ang mga benepisyong fiscal at non-fiscal na handog sa mga filmmaker na nais mag-shoot sa bansa.
Ayon kay Frasco, “ang India ang benchmark para sa film at film tourism kung kaya nais nitong magkaroon ng mga partnership at kolaborasyon upang maiposisyon ang Pilipinas bilang isang mahusay na destinasyon para sa film tourism ng India.”
Samantala, ipinagmalaki rin ng kalihim ang culinary scene at iba pang likas na yaman ng Pilipinas, na kamakailan lamang ay itinampok sa programang “Somebody Feed Phil” at sa iba’t ibang international production tulad ng The Bourne Legacy, Almost Paradise, at Survivor Series.
Upang suportahan ang mga filmmaker, nag-aalok ang Pilipinas ng competitive incentives sa pamamagitan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), kabilang ang hanggang pitong taon ng Income Tax Holiday at duty-free importation ng film equipment.









