Inilatag na ng Eastern Mindanao Command ang plano para sa ipatutupad na seguridad sa inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte sa Davao sa June 19.
Inihayag ito ng militar sa isinagawang pagpupulong nitong Sabado ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Presidential Security Group (PSG) at Philippine National Police (PNP).
Kaugnay nito, utos ni Eastern Mindanao Command Chief Lt. General Greg T. Almerol sa Joint Task Force Haribon na magbigay ng security contingent sa gaganaping inagurasyon at overall ground commander dito si Brig. Gen. Potenciano Camba.
Ayon kay Lt. Gen. Almerol, ang mga tropa ng JTF Haribon ay tutulong sa pwersa mula sa 10ID, Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM), Tactical Operations Wing Eastern Mindanao (TOW-EM), at Headquarters EastMinCom.
Maliban aniya sa pinahigpit na border security, magsasagawa rin ng mga maritime at air patrols at magde-deploy rin ng medical support units ang EastMinCom.
Siniguro ni Lt. Gen. Almerol na mahigpit ang koordinasyon ng EastMinCom sa iba’t ibang security agencies upang masiguro na magiging matagumpay ang inagurasyon ng bagong pangawalang pangulo.