Final testing at sealing ng mga VCM, isasagawa ng COMELEC-Manila ngayong araw

Natapos na ng Commission on Elections o COMELEC-Manila ang pagde-deploy ng mga Vote Counting Machine (VCM) sa 87 polling precinct sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio, ang election officer ng Comelec-Manila, maayos na naipadala ang nasa 1,859 na VCM sa bawat polling precinct kasama na ang ballot boxes.

Sinabi pa ni Bonifacio, ngayong araw ay isasagawa ang final testing at sealing ng mga VCM habang sa May 5, 2022 ang pamamahagi naman ng mga official ballot.


Aniya, mas maaga sa itinakdang araw ang ginawa nilang pagde-deploy ng mga VCM upang hindi maabala ang ginagawa namang paghahanda ng mga guro sa lungsod ng Maynila.

Dagdag pa ni Bonifacio, handang-handa na ang COMELEC-Manila sa nalalapit na eleksyon kung saan muli nilang ipinaalala na hindi na kailangan ng vaccination card o kaya negative result ng antigen test para makaboto.

Kailangan lamang na nasa listahan ang pangalan ng isang boboto pero ang mga magpapakita ng sintomas tulad ng mataas ang temperatura ay dadalhin nila sa itinalagang isolation precinct.

Para masiguro naman na hindi magkakaroon ng hawaan ng COVID-19, may mga tauhan ang COMELEC na siyang magdi-disinfect ng mga polling precinct at mga isolation precinct matapos ang ilang indibidwal na bumoto.

Facebook Comments