Finance officer ng Naic Police Station na natangayan ng ₱100,000, kumpirmadong biktima ng hacking at walang kaugnayan sa online sabong

Walang kinalaman sa online sabong ang pagkawala ng halos ₱100,000 na pondo sa Finance Officer ng Naic Police Station.

Kinumpirma ito ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo.

Aniya, lumabas sa imbestigasyon ng Landbank at Calabarzon Police na lehitimong “cyber phishing” ang nangyari kay Police Senior Master Sgt. Haidee Sabas.


Kahina-hinala kasi ang email na natanggap nito noong nangyari ang krimen.

Sa ngayon, pinapagsumite na ng documentary requirements ang pulis para maibalik ang nawawalang pera.

Paalala naman ni Fajardo sa mga pulis na mag-ingat sa kanilang mga account at paggamit ng internet upang hindi mabiktima ng hacking.

Kasama na rito ang paglalagay ng matibay na password at hindi paggamit sa public wifi.

Matatandaang batay sa reklamo ni Sabas, nagkaroon ng 2 fund transfer mula sa ATM account ng NAIC PNP na hawak niya kung saan naka-deposit ang kanilang Maintenance Operating and Other Expenses o MOOE.

Ang halagang ₱47, 700 ay unang na-transfer sa isang Landbank account at ang pangalawang transaction na ₱50, 000 ay nailipat sa isang Union Bank account.

Facebook Comments