Simula Abril a sais ipagkakaloob na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang financial assistance sa most affected area sa Marawi City.
Ayon kay National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Secretary Saidamen Pangarungan, mga eligible internally displaced persons lamang na grabeng naapektuhan ng giyera ang makakatanggap ng P20,000 sustainable livelihood grant at P53,000 transitory family support package.
May 24 na barangay sa Marawi City ang makakatanggap ng financial grant mula sa DSWD.
Una nang ipinangako ni Secretary Eduardo Del Rosario ng Task Force Bangon Marawi na bibigyan ng tig P73,000 ang bawat eligible family sa most affected area sa pakikipagtulungan ng DSWD.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang NCMF at umaasa na matutugunan na rin ang iba pang ipinangako ng Task Force Bangon Marawi sa tamang panahon lalo na ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Partikular na pinasalamatan ni Secretary Pangarungan sina DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group Felicisimo Budiongan at Secretary Eduardo del Rosario ng Task Force Bangon Marawi.