Inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na layong tulungan ang financial institutions na bayaran ang kanilang debts at i-manage ang kanilang non-performing assets para maibsan ang epekto ng COVID-19 crisis sa kanilang financial operations.
Sa botohan, 202 ang pumabor, anim ang tumutol, at isa ang nag-abstain sa House Bill 6816 o proposed Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act.
Sa ilalim ng panukala, kinikilala ng estado ang mahalagang papel ng mga bangko at iba pang financial institutions sa pagpapatakbo ng savings at investments, at pagbibigay ng vital financial system para mapanatili ang takbo ng ekonomiya.
Ayon kay House Committee on Banks and Financial Institutions Chairperson Junie Cua Jr., ang COVID-19 crisis at naudlot na economic activities ay nagresulta ng delayed loan collections ng karamihan sa mga financial institutions.
Sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez, ang FIST Bill ay makakatulong na mapagtibay ang financial sector sa gitna ng COVID-19 crisis sa pamamagitan ng rehabilitation ng distressed businesses at pagpapabuti ng liquidity ng financial system.
Ang panukala ay nakatakda nang i-akyat sa Senado.