FIRE ALERT | Imbakan ng bala at baril ng PH Navy sa Cavite, nasusunog pero under control na

Sangley, Cavite – Kontrolado na ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog sa imbakan ng mga bala at baril o naval ordinance depot sa Sangley, Cavite.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Commander Jonathan Zata, alas-5:30 ng umaga kanina ng magsimula ang sunog sa mismong gusali kung saan nakaimbak ang mga bala at baril.

Pero dakong alas 7:30 aniya kanina ay nakontrol na agad ang sunog.


Sa ngayon ay makakapal na usok pa rin ang nakikita sa lugar dulot ng malaking sunog.

Nilinaw naman ni Zata na malabong kumalat ang sunog sa buong naval base sa Sangley Cavite dahil may bomb shelters aniya ang nasunog na naval ordinance depot.

Malayo rin daw ito sa residential area pero may housing facilities sa lugar para sa mga sundalo kaya may nakahanda palagi ang evacuation area kung umabot sa housing facilities.

Sa ngayon inaalam pa nila ang naging dahilan ng sunog habang wala naman aniyang naitalang nasugatan sa naganap na sunog.

Facebook Comments