Fire truck procurement ng BFP, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ng Makabayan Bloc sa House Committee on Good Government and Accountability ang proseso ng bidding at pagbili ng Bureau of Fire Protection o BFP ng mga firetruck.

Nakasaad sa inihaing House Joint Resolution No. 15 ng Makabayan Bloc na tila may pinapaborang supplier ng trak ng bumbero ang BFP.

Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang kwalipikasyon para sa pipiliing bidder ay tila sadyang ini-adjust umano para sa pinapaborang kompanya.


Sabi ni Castro, dahil dito ay hindi maiaalis ang hinala na posibleng may anumalya umano sa procurement process ng BFP na pinondohan ng bilyon-bilyong pisong pera ng taumbayan.

Ang hirit na imbestigasyon ng Makabayan Bloc ay kasunod ng malaking sunog sa kamakailan sa Muntinlupa City kung saan 10 katao ang napaulat na nasawi.

Facebook Comments