CAUAYAN CITY – Dinagsa ng mga mamimili ng paputok ang fireworks center sa Lungsod ng Cauayan kahapon ika-31 ng Disyembre.
Ayon sa mga nakapanayam nating tindero ng paputok, umaga pa lamang ay nagsimula ng dumagsa ang mga tao sa lugar kung saan kahapon ang pinakamalakas nilang bentahan sa buong holiday season.
Alas siyete pa lamang ng gabi ay nagkakaubusan na ang panindang paputok sa lugar at karamihan rito ay ibinebenta na sa mas mababang halaga upang makauwi na ang mga tindero at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon.
Bukod naman sa mga panindang paputok ay mayroon ding mga nagbebenta ng torotot sa lugar bilang alternatibong pamalit sa paputok.
Samantala, upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamimili at kaayusan ng trapiko, nakatalaga sa lugar ang mga tauhan ng POSD Cauayan, BFP, PNP, at barangay tanod mula sa Brgy. District 1.