FIRST BATCH NG MGA ISABELEÑONG MAGSASAKA, NAGTAPOS NG INTERNSHIP PROGRAM SA SOUTH KOREA

Nasa 42 na mga magsasaka ang nagtapos ng kanilang limang (5) buwan na Seasonal Agricultural Sector Development Exchange Program sa South Korea.

Sila ay nagtrabaho sa South Korea sa ilalim ng Farmers Internship Program ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pamumuno ni Governor Rodito Albano III.

Sa ilalim ng Exchange Program, ang 42 magsasaka ay pinadala sa probinsya ng Yanggu, Jinan at Wanju sa South Korea upang mas linangin pa ang kanilang kaalaman, kasanayan at karanasan sa paggamit ng mga makabagong teknolohiyang pang-agrikultura at mga inobasyon sa pagsasaka habang kumikita ng karagdagang kita para sa kanilang mga pamilya.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Provincial Information Office, ang 42 mula sa kabuuang 92 na mga magsasaka na unang pinadala sa South Korea noong Abril 5, 2022 sa Yanggu County ay nagtapos na sa kanilang limang buwan na kontrata at nakabalik na ng bansa ngayong araw, Setyembre 7, 2022.

Sinalubong ang mga ito kaninang umaga sa Provincial Capitol bago umuwi sa kani-kanilang pamilya.

Ang iba namang magsasaka na ipinadala sa naturang bansa ay nauna nang umuwi sa Pilipinas dahil sa problema sa kalusugan o pamilya habang ang iba naman ay lumabag sa kontrata sa ilalim ng programa.

Bilang gantimpala naman sa mga nagtapos sa programa, ang 42 magsasaka ay bibigyan ng contract renewal at tatanggap ng mas mataas na allowances.

Facebook Comments