Fish cargo aircraft, nag-emergency landing sa damuhan ng Sangley Airport

Isang fish cargo aircraft ang nag-emergency landing sa damuhang bahagi sa halip na sa runway ng Sangley Airport kahapon.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, ang naturang eroplano ay isang ATR aircraft BE58 na may registry number RPC 5916 na patungo sana ng Cuyo, Palawan para kumuha ng isda.

Subalit matapos makapag-take off ang nasabing eroplano ay napansin ng pilotong si Captain Jesse Bihasa at ng kaniyang co-pilot James Patrick Bala na may problema ang right landing gear ng eroplano.


Dahil dito, nagpasya ang piloto na ibalik ito sa Sangley Airport dahil kompleto ang emergency facilities ng nasabing paliparan.

Sa kabutihang palad, ligtas naman nakalapag ang eroplano sa madamong bahagi ng nasabing airport runway.

Patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang CAAP kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments