Fish Production sa Cagayan Valley, Bumaba dahil sa Pandemic- BFAR region 2

Cauayan City, Isabela- Bumaba ang fish production sa Cagayan Valley region dahil na rin sa limitadong galaw ngayong banta pa rin ang COVID-19 pandemic, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 2.

Ayon kay Dr.Severina Bueno, Chief ng Fisheries Production and Support Services Division ng BFAR region 2, kahit maganda ang koordinasyon at kolaborasyon sa mga local government unit at fisherfolks ay hindi naman ganoon kaganda ang fish production.

Kung ikukumpara noong nakaraang taon ay nasa 13,000 metric tons lang ang mayroon ang buong taon ngunit ngayong second quarter pa lamang ng taong 2021 ay nasa mahigit 5,000 metric tons na at posible umanong mahigitan ang fish production noong nakalipas na taon.


Problema aniya ang delivery ng supply lalo na sa mga lugar na restricted dahil sa COVID-19.

Dagdag niya, tuloy pa rin ang pagbibigay ng techno demo, fishing gears, libreng fingerlings sa mga communal waters habang pagdating umano sa mga fisherfolks ay 1,000 fingerlings nalang ang ibinibigay ng ahensya.

Kaugnay nito, hinihimok naman ng BFAR ang mga fisherfolks na bumili ng fingerlings at hindi umano kailangan na makipagkompetensya sa mga hatchery operators.

Giit ni Bueno, lahat naman ng paraan ay ginagawa ng ahensya upang masiguro ang pagtaas pa lalo ng fish production katuwang ang mga local government unit.

Tiniyak naman ng ahensya na ginagawa nila ang lahat upang matulungan rin ang mga fisherfolks.

 

Samantala, bukas naman ang ahensya sa pagbibigay tulong na makagawa ng aquaponics ang mga nais mag-alaga ng isda sa loob ng kanilang bakuran.

Facebook Comments