“Five-man Committee,” pinaghihinay-hinay ng isang senador sa pag-evaluate ng mga PNP officials na nagsumite ng courtesy resignation

Pinaghihinay-hinay ni Senator Christopher “Bong” Go ang binuong ‘five-man committee’ sa pag-evaluate ng mga mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’.

Nababahala si Go na baka maulit ang nangyari noon na maraming nagsumite ng resignation at tinanggap agad pero hindi naman nabusisi ng husto.

Ayon kay Go, suriin at i-assess ng mabuti ang mga nagsumite ng kanilang resignation upang hindi naman masayang ang pinaghirapang career ng mga police officers.


Aniya, kung may bulok mang makita sa kanilang pag-e-evaluate ay agad na itong ihiwalay upang hindi na makahawa ng ibang mga opisyal.

Paliwanag ni Go, nasa akademya pa lamang ay pinaghihirapan na ng mga magiging opisyal ang kanilang trabaho kaya sayang kung sa huli ay mababalewala ang 30 taon na kanilang pinaghirapan.

Tiwala ang senador na marami pa ring mga pulis ang matitino, may dignidad at integridad sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Facebook Comments