Manila, Philippines – Itinutulak ni Kabayan Rep. Ron Salo ang pagbibigay ng tiyak na benepisyo at kompensasyon sa mga Barangay Health Workers (BHWs).
Sa House Bill 4277 na inihain ni Salo, pinabibigyan ng P3,000 honoraria kada buwan ang mga barangay health workers at P3,000 ding Christmas bonus.
Hindi naman bababa sa P1,000 ang hazard allowance na ibibigay at P1,000 ding subsistence allowance.
Paliwanag ni Salo, bagamat may RA 7883 o ang Barangay Health Workers and Benefits and Incentives Act para sa mga benepisyo ng mga barangay health workers ay wala namang itinatakda ang batas na fixed rate sa mga allowance.
Sinabi ni Salo na mahalaga ang papel na ginagampanang ng mga barangay health workers.
Ang mga ito ang mga pangunahing humaharap para magbigay ng health services sa mga liblib na lalawigan, gayundin sa panahon ng kalamidad, sakuna at outbreak.
Ito aniya ang mga dahilan kaya nararapat lamang na mabigyan ng disenteng kompensasyon ang mga barangay health workers.