Fixed salary sa mga bus drivers at modernisasyon ng bus fare collection, ipinanawagan sa Kamara

Manila, Philippines – Inirekomenda ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na ipatupad na ng tuluyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order 11-82 para sa ‘fixed salary’ ng mga bus drivers pati na mga konduktor.

Paliwanag ni Sarmiento, kung magkakaroon ng tamang kompensasyon ang mga bus drivers ay maiiwasan ang kompitensya sa mga ito sa pagkuha ng maraming pasahero at pagtambay ng matagal ng bus sa EDSA.

Sa kasalukuyan aniya ay boundary basis pa rin ang mga bus drivers at kung mabibigyan na ng sahod ang mga drivers ay tiyak na mabibigyan na ng magandang serbisyo ang publiko.


Hiniling din ni Sarmiento na i-modernisa ang fare system ng mga Metro Manila bus sa pamamagitan ng e-card system.

Ang paggamit ng e-card system sa bus ay bahagi pa rin ng one-year road map na siyang binubuo ng komite.

Layunin ng e-card system na maging maayos ang revenue collection ng mga bus companies at bawas oras din sa pangongolekta ng bayad sa mga pasahero.

Para naman hindi na gumastos ang mga commuters sa e-card system, iminungkahi ni Sarmiento ang paggamit sa National ID System na gawing machine-readable electronic cards.

Facebook Comments