Flattening of the curve ng COVID-19, malapit nang makamit ng bansa; hospital occupancy rate sa Metro Manila, bumaba na

Posibleng sa susunod na linggo ay ma-flatten o bumaba na ang COVID-19 curve sa bansa.

Ayon kay Prof. Guido David ng University of the Philippines (UP) OCTA research team, bagama’t tumataas ang kaso sa Bacolod, Iloilo at Iligan, bumaba naman ang bilang nito sa National Capital Region (NCR) at CALABARZON.

Aniya, importante na sa susunod na linggo ay makita kung bumaba o tumaas ang kaso para agad na makagawa ng susunod na hakbang ang pamahalaan upang maabot na ang flattening of the curve.


Gayunman, nangangamba ang grupo sa pagbabalik operasyon ng maraming negosyo na maaaring magresulta sa muling pagtaas ng COVID-19 cases.

Sinabi naman ni Treatment Czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega, mula 82%, bumaba na sa 71 hanggang 72% ang hospital bed utilization at 67 hanggang 68% ang Intensive Care Unit (ICU) bed occupancy rate sa Metro Manila.

Resulta aniya ito ng mas pinalakas na system capacity ng mga pribado at pampubliko na ospital.

Tiniyak din ni Vega na maganda rin ang itinatakbo ng itinatag na One Hospital Command Center na siyang nangangasiwa sa referral ng mga COVID-19 patient kung saang ospital sila maaaring ma-admit.

Facebook Comments