Flexible working hours bill pasado na sa Senado

Ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas kung saan pinapayagan ang mga employer na boluntaryong i-adjust ang working hour requirements ng kanilang mga manggagawa.

Iniakda ni Sen. Joel Villanueva ang Senate Bill No. 1571, o “Alternative Working Arrangement Bill,” at tinatawag ding AWA Bill na naglalayong amyendahan ang Article 83 ng Labor Code ng bansa.

Sa ilalim nito, maaari ng baguhin o i-adjust ang workers’ 48 hours per week requirement na hindi apektado ang sweldo at benepisyo.


Lubos namang pinasalamatan ni Villanueva ang kaniyang mga kasamahan sa Senado sa mabilisang pag-apruba sa kaniyang inihaing batas.

“Noong January 22, matapos po nating i-sponsor ang Senate Bill 1571, maraming mga manggagawa at commuter groups ang nagbigay ng kanilang positibong puna.

“Alam po kasi nila ang hirap nang pagpila sa MRT o paghahabol sa mga jeep at bus lalo na kapag rush hour samantalang pwede namang maiwasan ito sa pamamagitan ng mga alternative working arrangements tulad ng flexitime, compressed workweek, shift flexibility, flexi-holiday, rotating of workers, at iba pa” ani Villanueva.

“Nagdagdag po tayo ng mga bagong pamamaraan sa pagtatrabaho sa ilalim ng “Alternative Working Arrangements Bill”, in short, “AWA” Bill dahil talaga naman pong nakaka-AWA na ang sitwasyon ng ating mga manggagawa. Napakarami ko pong kakilala na ang traffic at ang araw-araw na pag-aapura sa pagpasok sa trabaho ang sanhi ng kanilang stress at depresyon. Pero hindi po natin ito sinusulong dahil lang sa AWA, kundi para iangat ang dignidad ng ating mga kababayan at para sa katatagan ng trabaho at mga negosyo sa bansa.”, dagdag pa ng Senador.

Facebook Comments