FLORIDA MASS SHOOTING | Mga Pinoy, ligtas

Amerika – Ligtas at walang nadamay na Filipino sa nangyaring pamamaril sa isang high school sa Florida, USA kung saan 17 mag-aaral ang napatay habang 14 naman ang sugatan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala natatanggap na ulat ang Philippine Embassy sa Washington, D.C. na may Pinoy na kabilang sa mga nasawi o nasugatan sa nangyaring pamamaril sa Marjory Stoneman Douglas High School.

Sinabi naman ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano na nakikiisa ang Pilipinas sa pakikidalamhati at tahasang kinokondena ang brutal na pagpatay sa mga mag-aaral.


Ayon sa ulat, bigla na lamang pumasok sa paaralan ang isang dating estudyante na si Nikolas Cruz, 19-anyos, at armado ng high-powered assault rifle at pinagbabaril ang mga guro at mag-aaral na makasalubong.

Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na kinukonsidera ang insidente bilang “one of the worst school mass shooting incidents in US history.”

Facebook Comments