Makakatulong ang flu shots upang makaiwas sa severe COVID-19 cases.
Ito ang binigyang diin ni Dr. Donald Ray Josue sa Laging Handa public press briefing.
Ayon kay Dr. Josue, base sa pag-aaral na isinagawa sa Estados Unidos, ang mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 pero nabigyan ng flu shots ay hindi nauwi sa severe ang kaso o hindi na admit sa Intensive Care Unit (ICU).
Kasunod nito, patuloy pa aniya ang mga isinasagawang pag-aaral hinggil sa positibong epekto ng flu shots laban sa COVID-19.
Paliwanag pa ni Dr. Josue na hindi nangangahulugang kapag nagpa-flu shot na ay hindi na magpapabakuna laban sa COVID-19 dahil ang mga ito ay magkaibang virus.
Lahat aniya ng nabakunahan ng anti-COVID-19 ay maaaring tumanggap ng flu shots at ito ay dapat isinasagawa kada taon.