FOGGING KONTRA LAMOK, ISINAGAWA SA BRGY. DABBURAB

Cauayan City – Kaagad na gumawa ng hakbang ang pamunuan ng Brgy. Dabburab, Cauayan City upang puksain ang sakit na Dengue na dulot ng lamok sa kanilang lugar.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Brgy. Kapitan Melvin Sarandi, matapos may mapaulat na isang kaso ng Dengue sa kanilang lugar, kaagad itong nag request sa City Health Office ng lungsod ng Cauayan na magsagawa ng fogging sa kanilang barangay.

Aniya, ipinagpasalamat nito na mabilis na naaprubahan ang kanilang request kaya naman kaagad na nagsagawa ng fogging sa kanilang nasasakupan partikular na sa eskwelahan, mga kabahayan, at iba pang lugar na maaaring pamahayan ng lamok.


Sa kabutihang palad, sinabi ng kapitan na hindi na nasundan pa ang naitalang kaso at umaasa ito na ito ang una at huling makakapagtala sila ng sakit na Dengue sa kanilang lugar.

Paalala ni Kapitan Sarandi na dapat ay panatilihing malinis ang kapaligiran sa mga kabahayan upang maiwasan na pamahayaan ito ng mga lamok na siyang pinagmumulan ng nabanggit na sakit.

Facebook Comments