Hinimok ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang mga LGUs at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases’ (IATF-EID) na makipag-partner sa mga restaurants at fast food chains para sa pagpapakain sa mga barangay.
Ayon kay Herrera, marami sa mga restaurants ang ngayon ay pansamantalang nagsara kasunod ng pinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Tiyak, aniyang, maraming stock ng pagkain ang mga nagsarang restaurants at para hindi masayang ay maaari itong bilhin ng gobyerno sa halagang abot-kaya na siya namang ipapamahagi sa mga mahihirap na pamilya sa mga barangay.
Aniya, bagama’t gusto ng ilang kainan ang magbigay ng donasyon ay hindi rin magawa dahil sa lugi at bagsak ngayon ang negosyo.
Kaya malaking tulong kung bibilhin ng gobyerno sa murang halaga ang mga food stocks ng mga restaurants at fast food chain upang hindi masayang at kahit papaano ay makabawi sa kanilang nawalang kita sa kabila ng coronavirus outbreak.