Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Pasay na ipamahagi ang mga food supply para sa mga residente ng lungsod na tinamaan ng COVID-19.
Nasa 735 na pasyente na may COVID-19 ang binigyan ng mga suplay ng pagkain kung saan nakatanggap sila ng 3 kilong bigas at iba’t ibang klase ng mga de-lata.
Kabilang rin sa mga natanggap nila at ng kanilang pamilya ay mga noodles, gatas, saging gulay (tulad ng kalabasa, talong, ampalaya, at okra) kasama na ang isang pack ng marinated na manok.
Nabatid na ang programa ng Pasay Local Government Unit (LGU) ay upang patuloy na matiyak na magiging maayos ang kalusugan ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa lungsod.
Umaasa rin ang lokal na pamahalaan na makakarekober na ang mga tinamaan ng sakit kung saan lahat ng paraan ay kanila ng ginagawa upang makontrol ang paglaganap ng virus.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng localized enhanced community quarantine sa mga barangay na mataas na kaso, pagsasara ng ilang border sa mga katabing lungsod at pagpapakalat ng karagdagang pulis sa ilang lugar sa lungsod para masigurong nasusuod ang inilatag na minimum health protocols.