*Cauayan City, Isabela-* Nasa labingdalawang bayan na sa Lalawigan ng Isabela ang nagpatupad ng force evacuation kaugnay sa pagdating ng bagyong Rosita.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Romy Santos, media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, nagsagawa na ng forced evacuation kaninang alas dose ng tanghali ang mga Coastal towns ng Isabela na Dinapigue, Divilacan, Maconacon, at Palanan habang kaninang ala una naman ay sumunod ang mga bayan ng Benito Soliven, San Mariano at Echague.
Nakatakda ring magsagawa ng forced evacuation ngayong hapon ang bayan ng Sto Tomas, Sta. Maria, Cabagan, Jones, San Agustin.
Inihayag rin ni Santos na ang mga nabanggit na bayan ay mga flood prone areas at posibleng maapektuhan ng storm surge.
Kaugnay nito ay nasa tatlong libong pulis naman ang itinalaga ng pamunuan ng Police Regional Office 2 sa mga lugar dito sa rehiyon dos upang tumulong sa paghahanda at pagtugon sa mga pangangailan ng taongbayan para sa pagdating ng nasabing bagyo..
Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, sa inihayag ni PNP Regional Director Police Chief Superintendent Jose Mario Espino sa ginanap na PressCon ay ipinagkatiwala na umano ni Secretary Francis Tolentino sa PNP at sa iba pang ahensya ang monitoring sa bawat lugar ngayong panahon ng kalamidad.
Dagdag pa rito ay nasa isangdaan at dalawampung kasundaluhan naman mula sa 96th at 86th Infantry Battalion ang itinalaga dito sa Lalawigan ng Isabela upang tumulong para sa papalapit na bagyong Rosita.