Marikina – Dahil sa malakas na pagbuhos ng pag-ulan na dulot pa rin ng Habagat na lalong pinalalakas ng panibagong Bagyong Josie, umakyat na ngayon sa 17.3 meters ang lebel ng tubig sa Marikina River ganap na alas-siyete-trenta’y singko ng umaga.
Nakataas pa rin sa 2nd Alarm ang alerto ng Marikina Rescue 161 sa sitwasyon ng ilog.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro patuloy sa pagtaas ang water elevation sa lugar kaya’t sinimulan na nila ang preemptive evacuation sa mga residente.
Sa ngayon aniya umaabot na sa siyamnaraan at limang pamilya o 1,581 katao na ang kanilang nailikas sa walong itinalagang ligtas na lugar.
Dagdag pa ng alkalde na bagaman walang masyadong pag-ulan sa mga sandaling ito sa Lungsod ay malakas naman aniya ang pag-ulan sa kabundukan na dahilan nang mabilis na pagtaas ng tubig sa Marikina River.