Forced outage ng 7 power plant na nagdulot ng red at yellow alert sa Luzon grid, iimbestigahan ng DOE

Iimbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang forced outage ng pitong power plant na nagdulot ng pagnipis ng kuryente sa Luzon grid nitong Lunes.

Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, nagpadala na siya ng team na magsasagawa ng actual physical spot checks at mag-iinspeksyon sa kondisyon ng mga transmission line at ng mga apektadong planta.

Bukod sa forced outage ng pitong planta kahapon, tatlong power plant din ang nag-operate sa mababang kapasidad dahilan para magdeklara ng Red at Yellow Alert ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa buong Luzon grid.


Umabot kasi sa 10,585 megawatts (MW) ang peak demand kahapon habang nasa 10,727 MW lamang ang available capacity.

Iniisyu ang Yellow Alert kapag nagnipis ang power reserve at papalapit na sa critical level ang system dahil sa tumataas na demand.

Red Alert naman kapag naabot na ng mga power reserve ang maintaining level na 4% ng peak demand kung saan maaari nang magdulot ng rotational brownout.

Facebook Comments