
Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon kaugnay ng biglaang pagtaas sa presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo sa bansa.
Kasunod nito ang pagkundena ng senador sa ilang kumpanya ng langis na umano’y biglang nagpataw ng napakataas na presyo sa mga produktong petrolyo.
Tinukoy ni Gatchalian ang isang independent player na sumirit ang presyo ng diesel sa ₱105 kada litro, habang ang gasolina naman ay biglang itinaas sa ₱90 kada litro, isang linggo pa lamang matapos ang gulo sa Middle East.
Iginiit ng senador na masyadong garapalan ang taas-presyo sa langis na nagpapahirap ngayon sa mga tsuper, manggagawa, at mga ordinaryong mamamayan na araw-araw na nakikipaglaban sa mataas na gastusin.
Dahil dito, pinasisilip ni Gatchalian sa DOE kung ang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay tugma ba sa tunay na halaga ng fuel inventories na kasalukuyang hawak ng mga oil companies.










