Dismayado si TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza sa ginawang pag-veto ni Pangulong Duterte sa Security of Tenure Bill.
Aniya, mas pinili ng Pangulo na makinig sa mga miyembro ng Foreign Chamber of Commerce at sa mga economic managers sa halip na solusyunan ang ilang dekada nang problema ng mga pangaabuso sa mga manggagawa.
Iginiit ni Mendoza na dapat mahiya ang mga members ng Foreign Chamber of Commerce at ang mga economic managers dahil ang mga ito ang humarang sa 19 na taon nang ipinaglalaban ng mga manggagawa na pagkakaroon ng regular at disenteng trabaho.
Ang mga ito aniya ang kontra sa Security of Tenure Law dahil naniniwala silang hadlang ito sa domestic affairs ng bansa.
Sinabi pa ni Mendoza na bagamat welcome ang investments ng mga dayuhan sa bansa hindi dapat ipinagkakait sa mga Pilipino ang karapatan para sa pagkakaroon ng regular na trabaho.
Aminado ang kongresista na may akda ng panukala sa Kamara na “frustrated” o masama ang loob sa nangyari pero muli niyang ihahain ang anti-endo bill ngayong 18th Congress.