Foreign policy ni PBBM sa isyu ng West Philippine Sea, hindi pinakikialaman ng PCG

Hindi nakikisawsaw ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga foreign policy ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa usapin ng panibagong insidente sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ang nilinaw ni PCG Spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela kasunod ng mga panawagang patahimikin ang PCG at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapalabas ng impormasyon na posibleng makasira umano sa foreign policy ng pangulo.

Giit ni Tarriela, layunin lamang ng PCG na mag-ulat hindi lamang sa pangulo kundi maging sa publiko, dahil karapatan nilang malaman kung ano ang mga pangyayari sa karagatang sakop ng bansa.


Diin pa ng opisyal, pawang mga propesyunal lamang ang PCG at AFP, at hindi ito dapat makialam sa mga usaping may kinalaman sa foreign policy.

Samantala, nilinaw naman ni Tarriela na nakikiisa sila sa polisiya ng pangulo, na walang kaaway at maging kaibigan ng lahat.

Nanawagan din ito sa publiko na magsalita at ipagtanggol ang bansa sa mga diskusyon dahil ang West Philippine Sea ay para sa Pilipinas.

Facebook Comments