Foreign trips ni DENR Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga, nasita sa budget deliberation ng Senado

Binusisi nang husto sa Senado ang mga foreign trip at ang mga ginastos sa byahe ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ngayong taon.

Sa deliberasyon sa pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular na kiwestyon ni Senator Raffy Tulfo kung papaanong ginastos ng kalihim ang P1.1 billion na pondo para sa pagbiyahe sa abroad ngayong 2023 at ano ang mga naging bunga o resulta ng mga foreign trips na ito.

Ayon kay Tulfo, may natanggap siyang reklamo mula mismo sa DENR na ang kanilang secretary ngayon ay isang ‘jetsetter’ dahil mula nang maitalaga sa DENR ay 13 hanggang 14 ang mga biyahe nito sa ibang bansa pero ito ay itinanggi ng kalihim at sinabing nasa anim lang ang kanyang biyahe sa abroad sa ilalim ng ahensya.


Depensa naman dito ni Senator Cynthia Villar, ang P1.1 billion na pondo para sa foreign trips ay hindi lamang solong budget para sa kalihim kundi kasama rin dito ang pondo para sa pagbiyahe ng apat na staff sa ilang tanggapan kabilang ang Biodiversity Management Bureau, Forest Management Bureau, Land Management Bureau at Ecosystem’s Research and Management Bureau.

Nilinaw pa ni Villar na ang mga biyahe ni Yulo-Loyzaga ngayong 2023 ay bahagi ng kaniyang ministerial duty bilang DENR Secretary at kasama na rito ang mga biyahe sa United Nations, Asia Pacific Ministerial conference for disaster risk reduction, UN framework on climate change, UN biodiversity sa Montreal at UN water conference sa New York at iba pa.

Tiniyak naman ng senadora kay Tulfo na ang mga natutuhan ng kalihim sa kanilang foreign trip ay gagamitin sa pagbuo ng kanilang mga polisya.

Facebook Comments