Former Municipal Councilor target ng IED Explosion sa Shariff Aguak

Mas pina-igting pa ang seguridad at police visibility sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao kasunod ng naganap ng pagsabog ng improvised explosive device Linggo ng umaga.
Sa panayam ng DXMY kay Shariff Aguak-PNP Chief Police Maj. Alex Butuan, nagpapatuloy din ang kanilang pagsisiyasat kaugnay ng insidente.
Sinigurado ni Maj. Butuan na hindi nila ipagsasawalang bahala ang nangyari.
Anya naganap ang pagsabog alas 10:15 ng umaga kahapon sa Sitio Barangay 8 sa Poblacion Shariff Aguak.
Sumabog ang IED na inilagay ang bomba sa ilalim ng upuan ng motorsiklo na naka-park habang dumadaan sa lugar ang grupo ni former Datu Abdullah Sangki Municipal Councilor Jeanor Ampatuan Lintang lulan ng Toyota Hilux pick-up truck.
Wala namang nasaktan sa 5 mga sakay ng pick-up truck at tanging ang wind shield ng sasakyan ang nasira bunsod ng pagsabog ayon pa kay Maj. Butuan.
Sinabi pa ni Maj. Butuan na masasabi ng kapulisan na ang target ng bombang sumabog ay ang grupo ni Lintang.
Sumambulat anya kasi ang IED nang saktong dumadaan sa lugar ang mga ito.
Mayroon na anyang persons of interest ang pulisya subalit hindi na nagdetalye pa tungkol dito si Maj. Butuan.
Matapos ang naganap na pagsabog kahapon ay balik naman sa normal ang sitwasyon sa lugar ayon pa sa opisyal.
May sangkap na bala ng mortar ang sumabog na IED.
Mariin namang kinondena ng mga opisyales ng LGU ang nangyaring insidente. Pinawi rin nito ang pangamba ng publiko.

PNP PIC

Facebook Comments