France, UK at Germany, hinamon ang claims ng China sa South China Sea

Nagsumite ng joint note verbal sa United Nations (UN) ang France, United Kingdom at Gernamy na humahamon sa legalidad ng malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea.

Binigyang diin ng tatlong European countries na ang ‘historical claims’ ng China sa South China Sea ay hindi naaayon sa international law at sa mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nilabag din nito ang arbitral award na iginawad ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na iginawad sa Pilipinas noong July 12, 2016 kung saan ibinabasura ang “nine-dash line” claim ng Beijing.


Iginiit din ng tatlong European countries ang kahalagahan ng “freedom of the high seas” partikular ang freedom of navigation at overflight.

Nakapaloob din sa UNCLOS ang karapatan ng inonsenteng pagdaan lalo na sa South China Sea.

Ipinunto rin ng tatlong bansa ang nakasaad sa UNCLOS na ang anumang land building activities at iba pang artificial transformation ay hindi mababago ang classification ng island feature.

Nanawagan din sila na ang lahat ng maritime claims sa South China Sea ay dapat mapayapang resolbahin alinsunod sa patakaran at prinsipyo ng UNCLOS.

Ang France, UK at Germany ay State Parties sa UNCLOS.

Nabatid na nagtayo ang China ng ilang artificial islands sa lugar kabilang ang landing strips at military bases.

Facebook Comments